by: Atty. Carolina Lim-Gamban Kamakailan lamang ay dumating ang ating mga atletang lumahok sa Paris Olympics. Karangalan, saya, at inspirasyon ang kanilang naiuwi dahil sa kanilang mga ipinamalas na kasanayan sa iba’t ibang larangan ng palakasan o sports. Ilan sa kanila ay nakapag-uwi ng medalya habang ang iba namang ay makikitang ibinigay ang kanilang lahat upang maitaas ang karangalan ng ating bansa. Paano nga ba natatamasa ang tagumpay na ito? Disiplina at kaayusan ang ilan sa mga kasagutan dito. Bawat atleta na ipinapadala sa Olympics ay tiyak na pili at may natatanging kahusayan. Hindi biro ang kanilang pinadaanan upang maging Olympian dahil kaakibat nito ay ang matinding pagsasanay na kinakailangan ng disiplina at kaayusan, di lamang sa pisikal, kundi pati sa usaping emosyonal at pangkaisipan. Di biro ang mawalay sa pamilya upang tumutok sa training at sumunod sa nakatalagang iskedyul araw-araw na may iba’t ibang pagsubok mula sa kanilang tagapagsanay.
Bilang isang mamamayan, marami rin tayong mithiin para sa ating sarili, pamilya, at komunidad. Nais nating maging matagumpay sa ating karera, pag-aaral, pagtaguyod ng ating pamilya at iba pa. Ngunit upang makamit ang tagumpay na iyon, disipilina at kaayusan din ay kailangan. Mayroon tayong mga layunin at targets na ating itinakda o nais makamit bilang sukatan ng ating progreso at tagumpay. Sa ating napiling karera, maaring nais natin magkaroon ng promosyon, gantimpala o pagkilala. Ngunit hindi ito mangyayari kung tayo ay late na pumapasok, hindi sumusunod sa mga alituntunin at regulasyon ng opisiona, o hindi sumusunod sa mga iskedyul ng pagsusumite ng mga ulat. Hindi makakamit ang nais na pansariling pag-unlad kung walang disiplina sa paghahatid ng mahusay na serbisyo o walang disiplina sa paghatid nito nang maayos sa takdang oras. Sa ating pamilya, nais natin ang ating mga anak ay lumaki nang maayos at sya ding matagumpay. Ngunit, ito ay hindi mangyayari kung hanggang kathang-isip lamang. Bilang magulang, tayo ang itinalaga sa tahanan upang matutunan ng mga anak ang disiplina at kaayusan. Sabi nga sa Banal na Aklat, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” Payo ng isa naming tagapagturo, bago mo paluin ang bata sa kanyang pagkakamali, siguraduhin na siya ay naturuan muna at nasabihan na ang gawaing iyon ay mali. Bilang magulang, tayo rin ay modelo sa tahanan, kaya naman, kung ano ang nakikita ng mga anak sa atin – ang ating pag-uugali, pagpapahalaga, at paggawa, siya ring tutularan ng mga anak. Kaya naman kung ikaw ay magulang na mapag-mahal, may disiplina at kaayusan, mataas ang posibilidad na ang mga anak ay may ganoon ding pag-uugali at pagpapahalaga. Sa ating bayan, marami tayong ninanais na pagbabago at mga pangarap na sana’y maging kalagyan nito – maging maunlad, malinis ang kapaligiran, kahanga-hanga, at iba pa. Ngunit, ang isang bayan ay sumasalamin lamang sa mga mamayang nakatira at nagpapalakad nito. Aasahan ba natin ang isang malinis na bansa kung ang mamayan nito ay hindi marunong magtapon ng basura sa tamang tapunan? Na pagkakain ng kendi ay siya na lamang itatapon sa paligid na walang pakialam? Aasahan ba natin ang isang matiwasay at payapang bansa kung ang mga mamayan nito ay hindi marunong sumunod sa alituntunin at mga batas? “Bawal tumawid rito” ngunit nandoo’t tumatawid ang ilan. Loyalty to the Republic of the Philippines, ngunit naroon ang opisyal, nangunag ipinagkanulo ang bayan sa kamay ng banyaga. Sabi ng ani Lee Kuan Yew, isa sa tagapagtatatag ng bansang Singapore, “A nation is great not by size alone. It is the will, the cohesion, the stamina, the discipline of its people and the quality of their leaders which ensure it an honourable place in history.” Kung nais natin ang bansang Pilipinas ay bumangon, ang pagbabago ay nagsisimula sa ating lahat, hindi sa iilan lamang. Sabi nga ng isa sa mga presidente ng Pilipinas, “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”
0 Comments
Leave a Reply. |
CRFV Winning TeamA company of men and women who have committed their lives to the cause of national transformation. Archives
October 2024
Categories
All
|